Nena Ang Spirit Detective 47
"Ang Tagapaghatid"
Lubhang guminhawa ang pakiramdam ni Nena. Ani mo'y naglalakbay patungo sa isang paraiso. Ang mga kulay ng bahaghari ay nakapalibot sa buong paligid at di nya mapigilan ang sarili kundi sumunod sa agos ng ginhawang kanyang nararamdaman.
Ang pag-aalala ni Nena kung umipekto ba ang spell na kanyang ipinataw sa prinsipe ay biglang naglahong parang bula. Ipinikit nya ang kanyang mata at hinayaan nalang ang agos ng kapayapaang kanyang tinatamasa.
Unti-unting nabubuo ang isang tunog na tila kahol ng aso. Sumagi sa isip ni Nena ang kanyang alagang asong si Bogart na nawala nung sya'y nagsisimula pa lamang mag-aral ng mahika. Ilang saglit pa ay tuluyan nang nabuo ang kahol ng aso na kagaya sa kanyang alaga.
Nena: Huh? Bogart?
Iminulat ni Nena ang kanyang mata pero wala syang makita kundi ang liwanag at nagkalat na kulay ng bahaghari sa paligid. Maya-maya ay unti-unting nabubuo ang paligid kung nasaan sya. Nakita nya ang alagang aso na si Bogart papalabas sa pinto ng hotel.
Nena: Bogart!!
Lumingon sa kanya ang aso.
Bogart: Woff, woff!
Nena: Bogart!
Tumakbo papalapit sa kanyang alagang malaking uri ng aso si Nena pero agad naman itong tumakbo palabas ng automatic na salaming pinto ng hotel. Sinundan parin ni Nena ang alaga. Paglabas nya sa pinto ay wala na dun ang alaga.
Nena: Huh? Asan na sya?
Tumingin si Nena sa paligid at kapansin-pansin ang napakapayapang ambiance ng lugar. Napangiti ito at hindi na nag-abala na hanapin ang alaga. Napansin nya ang paparating na bus at huminto ito sa tapat ng hotel.
Naglabasan ang maraming tao na nakasuot ng magarbong mga suotin at ang mga ito ay nag-uusap. Habang naglalakad ang mga ito papasok ng hotel ay tumitingin ang bawat isa kay Nena, nginingitian sya at nagba-bow ng respeto sa pagdaan sa dalaga. Si Nena naman ay nagtataka sa mga ito. At ngumingiti at bow nalang din pabalik.
Nena: Anu yun?? Ano bang meron??
Bigla nalang napalibutan si Nena ng pabangong gustong-gusto nyang amuyin, ang pabango ng kanyang boyfriend na si Ian.
Nena: Haaaaayy! Ang sarap talaga amuyin... Teka? Pamilyar ang pabangong yun ah.
Napansin ni Nena ang panyong ginawa nyang face mask at agad na tinanggal ito para mas maamoy pa ang pabango.
Muling nilanghap ni Nena ang pabango at napapikit ito sa dulo ng kanyang paglanghap. Pagdilat nya ay sumambulat sa kanyang harapan si prinsipe Leonard.
Nena: Ow.. Mahal na prinsipe!
Agad niyakap ni Nena ang prinsipe at tuwang-tuwa ito.
Nena: Ano nga bang nangyari? San ka ba nagpunta?
Ngumiti ang prinsipe at tiningnan si Nena sa kanyang mga mata.
Prinsipe Leonard: Inihanda ko lang ang mga dapat ihanda para sa ating kasal.
Nena: Ahh... Oo nga pala noh. Ngayon na yun di ba?
Prinsipe Leonard: Hahaha.. Nakalimutan mo na ba? Oo naman, mahal kong prinsesa. Ngayon ang araw ng ating kasal. Di ka ba excited?
Nena: Ahhh... Parang ano kase eh.. ang gulo. Ewan ko ba.. Pe-pero syempre naman excited na talaga ako sa araw na to.
Prinsipe Leonard: Hmmm... Oh pano? Tayo na sa chapel?
Nena: Sige.
Naglakad papasok si Nena at napansin nya ang mga bisita ay nag-uusap-usap habang sila ay patungo sa chapel. Napansin din ni Nena ang mga staff na inaayos ang mga nasirang lamesa at nililinis ang mga nagkalat na dugo.
Nena: Huh? Ah.. mahal na prinsipe, ano bang nangyari? Bakit may mga dugong nagkalat sa sahig.
Prinsipe Leonard: Hmmm... Ang mga yan ay tumapong wine lamang mahal kong prinsesa. May isang guest lang na nakasagi sa mga bote ng wine.
Nena: Ah.. Ganun ba?
Sa may pinto papuntang chapel ay nag-aantay ang nakangiting stylist na si Adelia.
Adelia: Magandang araw sa inyo, kamahalan.
Nena at Leonard: Magandang araw din, Adelia.
Habang naglalakad ang dalawa patungo sa altar ng chapel ay tumitingin-tingin si Nena sa paligid at bahagyang nakadama ng kaba.
Sa kanyang kaba ay biglang napahigpit ang kapit ng kanyang kamay sa prinsipe at napansin naman iyon ng gwapong prinsipe ng kaharian.
Prinsipe Leonard: Ayos ka lang ba mahal kong prinsesa?
Nena: Ahh.. Oo. Medyo kinakabahan lang ako. Para kasing...
Prinsipe Leonard: Ano yun? Sabihin mo sakin.
Nena: Haaaayy.. Wala naman. Di ko lang lubos maisip na abot kamay ko na ang pinapangarap ko.
Tinapik-tapik ni Nena ang kanyang mukha.
Nena: Hahh.. Nananaginip ba ko???
Prinsipe Leonard: Hahahaha! Syempre naman hinde, mahal na prinsesa. Totoong-totoo na to. Ito yung matagal mo nang pangarap at mangyayari na yun ilang saglit nalang.
Nakampante bigla si Nena sa mga sinabi ng prinsipe.
Nena: Okay.. tayo na.
Itinuloy nila Nena at Leonard ang paglalakad patungo sa altar. Ilang saglit lang ay nag-simula na ang kasal. Habang nagsasalita ang pari tungkol sa mga seremonya ay tila lutang si Nena. Hindi talaga sya makapaniwala sa mga nangyayari. Isinuot sa kanya ng prinsipe ang singsing.
Pari: Prinsipe Leonard ng kaharian ng Acacia, tinatanggap mo ba si Nena bilang iyong asawa sa lungkot at ligaya pati na sa hirap at ginhawa?
Prinsipe Leonard: Opo, father.
Tulala lang si Nena at wala sa sarili.
Pari: Ahh.. Nena, maaari mo nang isuot ang singsing sa mahal na prinsipe.
Nena: Ahhh.. Opo, opo. Hehe.. Oo nga pala.
Pagtingin ni Nena sa batang ring bearer ay tila namumukaan nya ito, pero di nya maalala kung saan at sino ang bata. Kinuha ni Nena ang singsing mula sa ring bearer at isinuot sa palasingsingan ng prinsipe.
Pari: Prinsesa Nena, mula sa mundo ng mga tao, tinatanggap mo ba si prinsipe Leonard ng kaharian ng Acacia bilang iyong asawa sa lungkot at ligaya pati na sa hirap at ginhawa?
Natulalang muli si Nena. Napansin ng prinsipe ang pagkabalisa ng dalaga.
Pari: Ah.. Mahal na prinsesa?
Nena: Ahh... Ano nga po pala yun??
Pari: Tinatanggap mo ba si prinsipe Leonard ng kaharian ng Acacia bilang iyong asawa sa hirap at ginahawa pati na sa lungkot at ligaya?
Nena: Ahh.. Kailangan ko na pala sumagot?
Napatingin si Nena sa mga mata ng prinsipe.
Nena: O...
Napansin ng dalaga na bigla nalang may labas na dugo mula sa ilong ng prinsipe. Tumulo ang dugo at nabahala bigla si Nena.
Nena: Aaah.. mahal na prinsipe ang yong ilong..
Prinsipe Leonard: Huh? Bakit anong meron sa aking ilong?
Nena: Dumudugo ang yong ilong.
Prinsipe Leonard: Huh?
Kinapa ng prinsipe ang butas ng kanyang ilong at nagulantang sa nakitang dugo sa kanyang daliri.
Prinsipe Leonard: Hindi to maaari?! Bakit ngayon pa? Sagutin mo na ang tanong ng pari, mahal kong prinsesa.
Nena: Pero teka muna...
Prinsipe Leonard: Basta sagutin mo na ang tanong ng pari!
Nagulat si Nena sa sigaw ng prinsipe.
Nena: Ngunit...
Prinsipe Leonard: Sagutin mo na ngayon na!
Nagulat ang lahat ng tao sa chapel pati na ang pari.
Nena: Hinde, hindi sa gantong paraan mahal kong prinsipe.
Bigla nalang may umiyak sa mga bisita at tila may iniindang masakit. Napatingin si Nena sa pinanggalingan ng iyak. Pagtingin nya ay nagdurugo ang mga mata ng isang bisita at tila nahihirapan ito. Ilang saglit lang isa uling bisita ang umiyak hanggang sa nabalot ng iyak at hinagpis ang buong chapel.
Mamaaa!!!
Sigaw ng lalaking ring bearer na tumutulo ang dugo sa mga mata at ilong.
Prinsipe Leonard: Tumahimik kayo!!!
Prinsipe Leonard: Sagutin mo na ang tanong ng pari, Helena Thomas!
Nagulat si Nena at natakot sa prinsipe ng banggitin nito ang kanyang buong pangalan.
Nena: Hinde! Hinde! Hindi sa gantong paraan.
Natakot ng lubusan si nena at napaupo sa sahig. Yumuko sya at tinakpan ang kanyang mga tenga.
Bumukas ang malaking lagusan mula kisame ng chapel.
Prinsipe Leonard: Hiindeeeeeeee!!!!!!
Nabasag ang buong paligid pati na ang lahat ng taong nasa chapel maliban kay Nena. Hinigop ng lagusan ang lahat ng bagay sa paligid maliban sa dalagang spirit detective.
Tinakpan ni Nena ang kanyang mga mata gamit ang kanyang braso habang ang lahat ng bagay sa paligid ay hinihigop ng lagusan. Pilit namang nilalabanan ng prinsipe ng mga engkanto ang paghigop sa kanya ng lagusan.
Prinsipe Leonard: Sagutin mo na ang tanoooonnnggg!!!!
Natakot lalo si Nena sa sigaw ng prinsipe na ang boses ay nagiging malahalimaw na tinig.
Prinsipe Leonard: Wwwrrraaahhh!!! Hindi to maaariiii!!!!!
Unti-unting nagkakabitak-bitak ang buong katawan ng prinsipe.
Prinsipe Leonard: Mga tampalasan!! Pagbabayaran nyo ang panghihimasok nyo sa aking kaharian!!
Nabasag ang katawan ng prinsipe at tuluyan naring hinigop ng lagusan. Si Nena naman ay nakaupo lang sa sahig, nakayuko at tinatakpan ang mga tenga. Makalipas ang ilang segundo ay tuluyan nang nahigop ang lahat ng bagay sa lugar. Napadilat si Nena. Pagtayo nya ay napansin nya na unti-unti nang dumidilim at kumikipot ang lagusan.
Nena: Huh?! Sa-sandali!!
Tumingin si Nena sa paligid at tanging kadiliman lang ang kanyang nakikita.
Nena: Anong nangyari sa paligid?!
Muling tumingin si Nena sa lagusan na lubhang lumiliit na.
Nena: Sandali lang!! Nandito pa ko!!
Ilang saglit pa ay tuluyan nang nagsara ang lagusan. Tanging dilim lang ang naiwan sa paligid. Walang kahit anong ilaw kaya natakot nang husto si Nena.
Nena: Na-Nasan na ba ako? Wala akong makita!
Pinakiramdaman nya ang paligid at hinahawi nya ang hangin, nagbabakasakaling may mahawakan sya na bagay ngunit sya ay bigo.
Naglakad dahan-dahan si Nena sa paligid at napansin na unti-unting lumalambot ang lupang kanyang tinatapakan.
Nena: Huh? Ano to?
Lumambot ng husto ang lupa at naging putik. Unti-unting lumulubog ang paa ni Nena.
Nena: Yay! Nakupo! Anong nangyayari?! Kumunoy ba to?
Unti-unting lumalapot ang lupa at nahihirapan na maglakad ang dalaga.
Ilang saglit pa ay umabot na sa balikat ni Nena ang paghigop sa kanya ng lupa at nagpumiglas ito.
Nena: Tulooooooong!!! Tulungan nyo ko!!!
Takot na takot na si Nena at wala na syang magawa kundi umiyak at sumigaw ng saklolo.
Nena: TULOOOOOONNGGG!!!
Umabot na sa may mukha nya ang lupa kaya naman bago sya tuluyang lamunin ng lupa at huminga sya ng malalim.
Tuluyan nang nilamon ng lupa ang dalaga.
Eksena sa isang bungalow tree house sa mundo ng mga tao:
Patuloy ang paghahanap nila Kapitan Clara at ng mangagagamot na si Alice kay Nena habang sina Rudy at Marjorie naman ay dinala ang nag-aagaw buhay na si Kapitan Arvin sa pinakamalapit na ospital at humingi ng saklolo sa mga otoridad.
Bang!!!
Clara: Hmmm...
Binitawan ni Clara ang sinakal nyang maliit na tila bayawak na nilalang na sumapi sa isang taong may di kanais-nais na mukha at katawan na puno ng tato na nakaupo sa isang desk sa loob ng bungalow tree house.
Clara: Ito na siguro ang huli sa mga elite forces ng kalaban.
Napatungo ang lalaking sinapian, nakanganga at tila wala nang buhay.
Nagliwanag ang mga nakasulat sa lumang mga pader na nakatayo sa mga dingding ng silid at biglang nawala ang ilaw pataas sa himpapawid.
Alice: Huh?! Ito ay ang...
Clara: Huh?! Ang ano?
Alice: Kung hindi ako nagkakamali ay ang sumapi sa taong ito ay ang prinsipe ng mga engkanto.
Clara: Huh?!
Tumakbo si Clara sa mga pader na may sulat at binuksan ang kanyang handy flashlight para tingnan ang mga nakasulat. Si Alice naman ay ineksamin ang wala nang buhay na tao sa desk pati na ang labi ng kakaibang bayawak na nasa sahig.
Matapos tingnan ni Clara ang mga nakasulat sa mga pader ay nanlumo itong bigla.
Clara: Nena???
Nabitawan ni Clara ang hawak na flashlight at nanlumo sa sahig.
Clara: Anong ginawa ko?!
Napaiyak ang kapitan sa sahig. Matapos ang pag-eeksamin ni Alice ay nakasiguro na itong prinsipe ng mga engkanto ang kanilang pinalayas. Agad nyang nilapitan ang umiiyak na kapitan at hinagod ang likod para kumalma.
Clara: Patawarin mo ko, Nena..
Clara: Huli na ang lahat.. Kung sana lang ay mas napaaga tayo sa paghahanap, maisasalba pa sana natin si Nena! Huhuhu...
Alice: Ginawa natin ang ating makakaya. Hindi ka nagkulang sa iyong tungkulin, Kap.
Habang ang dalawa ay nagluluksa sa pagkawala ng kanilang kasama at kaibigan na si Nena, unti-unting naaabo ng maliwanag na puti ang tila bayawak na nilalang na nasa sahig. Pumalibot ang abo sa paligid ng puno at bigla nalang nagliwanag sa labas.
Alice: Huh?! Ano yun?
Napatigil bigla sa pag-iyak ang kapitan at napatingin sa liwanag sa labas.
Itinayo ni Alice si Kapitan Clara at dali-dali silang lumabas sa veranda ng tree house. Naglabasan ang mga espirito ng mga biktima mula sa mga dahon at nagpalibot-libot sa puno. Nagtatawanan ang mga espirito na tila tuwang-tuwa sa kanilang paglaya.
Pinagmamasdan nila ang mga espirito nang bigla nalang huminto ang isang espirito na may anyo ng isang babae at lumapit sa kanilang dalawa.
Alice: Huh?
Inaninag ni Kapitan Clara ang espirito at pinagmasdang mabuti ang mukha nito.
Clara: Ah... Adelia Yuson.
Ngumiti ang espirito at nag-bow sa kanila, senyales ng pasasalamat nito. Ngintian ni Alice ang espirito at umalis na ito patungo sa mga espirito na nagpapaikot-ikot sa napakalaking puno ng Acacia.
Clara: Researcher at writer ng mga basic knowledge about paranormal creatures. Nawala sya during expedition, simula nang malaman nila na may mga lagusang nagkokonekta sa ating mundo sa iba.
Alice: Pamilyar sakin.
Muling huminto ang isang orb sa kanilang harapan at ito'y naging isang Choco Brown na Labrador Retriever.
Alice: Huh?
Clara: Isang aso?
Aso: Woff, woff, woff.
Tinahulan sila Alice at Clara ng aso na tila di ito mapakali.
Clara: Anong ibig nyang sabihin? Bakit nya tayo tinatahulan?
Alice: Parang kamuka nya yung aso namin sa bahay.
Agad na kinuha ni Alice ang kanyang phone at tumawag sa kanilang bahay. Kinamusta ang alagang aso at okay naman daw ito.
Alice: Haaay... Kala ko si Bordagul na. Imposibleng maging sya ang espirito. Malamang konektado sa atin ang isang to. Di mo ba sya namumukhaan?
Clara: Hmmm... Hindi e.
Hindi tumigil sa pagkahol ang aso hanggang sa bumukas ang isang lagusan mula sa langit at dali-daling nagpasukan ang lahat ng mga espirito. Tumingin ang espiritong aso sa lagusan at napaiyak ito.
Aso: Uu, uu, uu...
Aso: Woff, woff, woff..
Muling tumahol ang aso kila Clara.
Alice: Hindi sya mapakali. Parang may gusto syang sabihin satin.
Clara: Teka... Nena?
Aso: Woff!! Woff!! Woff!
Nabuhayan ang aso at nagpaikot-ikot ito habang kumakahol ng malakas. Bigla ring sumigla si Clara.
Alice: Mukang alaga ni Nena ang isang to.
Clara: Buhay pa si Nena?!
Aso: Woff!! Woff!! Woff!
Clara: Nasan sya?!
Aso: Uu, uu, uu..
Alice: ...
Clara: Ituro mo samin kung nasan sya?
Aso: Uu, uu, uu..
Nagpatuloy sa pagkahol ang aso, ngunit di nila maintindihan ang ibig nitong sabihin.
Ilang saglit pa ay lumabas mula sa lagusan ang isang binatiltong nilalang na nakasakay sa isang super high-tech na space board na lumilipad at nakasuot ng wireless earphones at naghe-headbang sa musikang pinapakinggan nito.
Agad itong pumunta sa espiritong aso. Ineksamin ang aso gamit ang tablet nito na may tatak na Cherry. Tinanggal ang suot na earphones sa tenga at ibinulsa.
Nilalang: Hmmm... Tara na Bogart. Wag mo na syang antayin.
Clara: Huh?! Sino?
Nilalang: HUWAAAAYY KABAYO!!!
Agad tumingin ang binatilyo sa high-tech na relo nito.
Binatiltong Nilalang: Naka-on naman ang cloaking system! Hay, don't tell me kailangan na uling mag-update.
Alice at Clara: Huh?
Clara: Update??
Binatilyong Nilalang: Nyaaayy! Nakikita nga nila ako. Ano ba tong mga to? Multo?!
Alice: Ahahahaha!
Clara: Hahahaha!
Clara: Baka ikaw ang multo? Kiddo?
Binatilyong Nilalang: Ehem.. Hindi no...
Alice: Kung ganun e.. Sino ka?
Batang Nilalang: Hmmm.. Teka nga.
Itinapat ng binatilyo ang kanyang high tech na tablet kila Alice at Clara at agad na nareceive nito ang information sa kanilang pagkatao.
Binatilyong Nilalang: Aaaaahh.. Okay. Spirit detectives pala kayo.. at si ateng naka-black na skirt ay bagong member..
Alice: Huh?
Clara: Hmmm... Official member ka na ngayon Alice. Hahaha.
Alice: Ah... Hahaha. Sure, why not? Pero part time lang muna.
Tumahimik ang dalawa at sabay na tumingin sa binatilyo.
Alice at Clara: SINO KA NGA?!
Binatilyong Nilalang: Eeeyyy... Teka muna. Kalma, kalma. Wag kayo magalit. Ah.. ako nga pala si.. teka marami akong pangalan e. Sa sobrang dami ng pinangalan nyo sakin maski ako di ko alam kung anong pangalan ko. Pero ok sakin yung, Mike. Ako nga pala ang tagapaghatid.
Alice: Huh?! Si kamatayan?!
Clara: Isa kang anghel??
Mike: Oh di ba? Kayo rin naguluhan? Siguro ineexpect nyo na may dala akong karet at muka akong bungo na nakasoot ng itim na hoody robe.
Alice: Ta.. Talaga bang ikaw si Kamatayan?
Mike: Duhh?! That's so old school po. Mike na lang itawag nyo sakin. Mike, ang tagapaghatid. Wag na kamatayan, ang creepy ng dating e.
Clara: Okay. Ah... Mike. Si Nena, ang kaibigan namin.. mukang na-trap sya sa mundo ng prinsipe ng engkanto. Siguro naman aware ka sa mundo ng engkanto?
Mike: Hmmm...
Nagscroll si Mike sa kanyang tablet at nareceive ang info ni Nena.
Mike: Tama nga. Na-trap nga sya at mukang gusto pa nyang humabol sa lagusan na to.
Alice: Huh?!! Hinde!
Clara: Buhay pa sya?!! Please! Please! Please! Sagipin mo naman sya para samin?
Mike: Hmmm... Hindi ko magagawa yun.. Isa lang akong tagapaghatid..
Clara: Please! Lahat ng gusto mo ibibigay ko. Please parang awa mo na!
Pumikit si Mike sandali at mukang may nareceive na isang mensahe. Muli syang dumilat.
Mike: Hmmm... Lahat ng bagay ay may kapalit. Buhay ang gusto mo kaya buhay din ang kapalit.
Clara: Sige! Ako nalang ang kunin mo! Wag na si Nena. Bata pa yun kagaya mo marami pa syang pangarap sa buhay na gusto nyang makamit. Ako nalang kunin mo Mike, please?!
Alice: Kap...
Mike: Passed!
Clara at Alice: Huh?!
Agad na tumalon si Mike mula sa kanyang space board pababa sa terrace na kinaroroonan nila Clara.
Clara: A-anong sabi mo?
Mike: Look, tagapaghatid lang ako. Pero ako ay 87% na kagaya ni Papa. Nakalaan ang 13% para sa pisikal kong anyo para sa mga pagkakataong kagaya nito.
Meron akong master key na siyang susi sa lahat ng dimensiyon. Dahil sa pagmamahal mo sa iyong kaibigan, bibigyan kita ng chance para sagipin ang kaibigan mo. Gustong-gusto ni Papa ang pagmamahal sa kapwa at dahil dun, congratulations! Pumasa ka sa exam. Frank lang yung buhay ang kapalit. Hehehehe..
Alice at Clara: ...
Pumunta si Mike sa may pintuan ng veranda ng tree house at isinara ito. Tumingin sa relo.
Mike: Hmmm... May 4 minutes at 59 seconds pa kayo. Good luck! Sana mahanap nyo sya.
Inilabas ni Mike ang isang key card at inilapat sa door knob ng pinto.
TIT.. TITT..
Mike: Sa likod ng pinto na to ay ang wala nang laman na kaharian ng prinsipe ng Engkanto kung nasaan ang inyong kaibigan.
Napahinga ng malalim si Clara at tumingin kay Alice. Tumango naman si Alice.
Mike: Go mga ate hanapin nyo sya.
Clara: Tayo na!
Alice: Okay.
To be continued...
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento